Saturday, September 19, 2015

Wag kang Umibig sa Isang Manunulat

Wag kang umibig sa isang manunulat
Dahil hindi siya nakakalimot. Lahat naalala niya.
Lahat ng detalye, lahat ng maliit at malaking detalye.
Mula sa unang beses na kayong nagkakilala,
Unang salitang nabanggit sa isa't-isa,
Unang joke na napatawa ka niya,
Unang beses na nagsabay kayong kumain,
At unang beses na alam niya na gusto ka niya ngunit ayaw niyang umamin.

Wag kang umibig sa isang manunulat
Kasi hindi siya naghahanap ng pagmamahal.
Wala siyang ibang gusto kundi mangolekta ng mga istorya ng buhay na masasaya at may halaga ikwento.
Para sa kanya, ang mga istoryang kasama ang kapamilya at kaibigan ay sapat na at kahit anong anyo ng kwentong tungkol sa pag-ibig ay bonus na.

Pero kung meron man kwentong pag-ibig ang gusto niya isulat,
Sisiguraduhin niyang hindi ito hango sa kanyang buhay.
Bakit? Dahil alam niya, nakita, napatunayan, na ang pinakamagandang gawin sa buhay, yun ay ang magmahal, ay hindi perpekto.

Kaya wag kang umibig sa isang manunulat dahil takot siyang masaktan.

Minsan siyang bumuo ng kwento. Isang kwento ng pag-ibig.
Kung saan ang mga karakter ay produkto lamang ng kanyang imahinasyon.
Sa magka-ibang oras, sa magka-ibang mundo.
Mga tao na hindi nabuhay.
Mga tao na kaya niyang kontrolin.
Oo, pwede rin pala maging perpekto ang pag-ibig, iyun ang layunin.

Wag kang umibig sa isang manunulat
Dahil takot siyang magmahal.

Sana alam mo na kuntento na siya sa lahat ng alaala na nagbibigay sa kanya ng ngiti at saya.
Hanggang ganun lang, hanggang doon lang.
Sapagkat siya, siyang manunulat ay hindi aasa.
Dahil nang minsan siyang umasa, ang mga salitang kanyang unang nasulat ay
"Ganito pala ang feeling ng hindi happy ending."

Wag mong isipin na hindi niya kayang magmahal dahil siya lang sa lahat ang kayang magbago ng pananaw natin sa pag-ibig.
Siya ang dahilan kaya meron tayong istoryang minamahal sa mga libro at pelikula.
Yun ay gamit ang kanyang imahinasyon na kanyang isinulat at inilikha.
Para sa kanya, ang makita ang kakayahan niyang umibig sa iba ay sapat na.

Siguro'y dahil sa kaduwagan at takot, ang pag-ibig ay isang bagay na hindi maaaring bigyan ng pagkakataon.
Siguro'y ayaw niyang maranasan, na ang pinakamagandang gawin sa buhay, yun ay ang magmahal, ay mabigo paglipas ng mga taon.

Kaya wag kang umibig sa isang manunulat.
Wag kang umibig sa akin.

Thursday, July 9, 2015

Nang Dahil sa Spotify

Ang dami kong gustong ikwento. Tamang tama hindi halata ang mga luha sa mata dahil nabasa ako ng ulan. Ulan na nagsimulang lumakas nang maglakad ako pauwi galing office. Malas nga! Kailan ko ba naisip na naiiyak ako? Ayun. Yung naglalakad ako, tapos gusto kong mag-soundtrip. Naiiyak ako hindi dahil sa kanta, naiiyak ako dahil ang tugtog na narinig ko e Spotify ads. Walang hiyang buhay 'to. Isa sa mga naiisip ko habang patuloy na naglalakad e, ang weird ng feeling.

Masaya naman ako ah. Dati. Kanina. Kahapon. Mamaya. Bukas.

Ngayon lang naman hindi ah.

Wait. Ang malungkot pala dito, nadadalas atang hindi ako masaya. Patay tayo diyan.

Sa tala ng buhay ko, ngayon ko lang na-fefeel itong ganitong feeling. Dati may blog ako, "Gusto ko ng feeling nang.." Kung saan madami akong naisip na nakakatawang bagay tulad ng ma-dengue, na-hold up, mawala sa forest, sumagip ng buhay, etc. Oo, ganoon ka weird. Pero napagtanto ko, wala pala sa listahan ang maging malungkot.

Kaya pala ganito ako ka-shocked sa mga pangyayari. Hindi ako handa dito na parang may krisis sa buong pagkatao at mundong ginagalawan ko.

Wala akong Plan B, tulong!

Thursday, June 11, 2015

Judger!

"Tita, 'yan ang perfect example ng don't judge a book by its cover."

Hindi ko maintindihan bakit nasa nature ng tao ang madaling manghusga? Hinuhusgahan ang pisikal na anyo, motibo, intensyon, ugali, lahat! Hindi naman ako nagagalit ano, pero natanong ko nga lang talaga, bakit tayo mapanghusga?

Kanina sa Mercury Drug dito sa may amin, nagpark ako. Ilang taon naman na ako nagmamaneho, pero hindi ko alam, hirap talaga akong umatras. Kahapon nga, galing kaming Jolibee. Sobrang proud ko sa sarili ko dahil nagawa kong magpark ng paatras at napapagitnaan pa ng dalawang kotse. Sa sobrang saya ko, excited ako sabihin kay Tita. Kaso, nung time na sinabi ko sa kanya e yung dalawang kotse sa kaliwa't kanan, e nakauwi na. Hindi naniwala si Tita na nagawa kong magpark sa gitna ng dalawang kotse na paatras. Hindi na ko nakipagtalo, dahil alam ko ang totoo. DUH ako ang nag-drive, people!

Balik tayo sa Mercury Drug. Malayo pa lang ang saya ko na dahil walang nakapark na sasakyan, I was like, Yun! Makakapag-practice ako magpark ng pabaliktad!

Bago ko pa ibaba si Tita (may bibilhin siyang gamot) e nagpaalam na ako na i-try ko ulit mag-park ng pabaliktad. Hindi niya ko pinansin, siguro dahil naisip niya na nagaaksaya lang ako ng gas.

Ayan na, this is it. Reverse. Wala pa kong 5 seconds, anak ng! Merong customer! Magpapark din. Anak ng! Na-occupy ko lahat ng parking space. Geez, paano ako aatras? Hala. Yare. 'Di ako makadecide ng gagawin. Umabante na lang ako. Nagtataka ako bakit ayaw pa nila magpark e naka-signal na sila at wala naman dumadaan sa kalsada. Umabante naman na ako at kasyang kasya na sila. Saka parang ke-laki-laki naman ng sasakyan namin?! Ilang moments pa, magpapark din pala sila.

Pagbalik ni Tita, nagmamadali siya. Sabi niya, nagagalit daw yung mga lalaki sa akin (yung nagpark na customer) at nadidinig niyang nag-uusap. Ang sabi pa niya, ang siga daw ng parking ko. Sa hiya ni tita, ayaw niya daw muna sumakay sa akin nung una dahil hindi alam ng mga lalaki na kasama ko siya. Hahaha!

Teka, balik tayo. Ang siga daw ng parking ko.

1. Paano naging siga ang taong hindi marunong magpark?
2. Kung magalit naman sila, as if namang pinag-antay ko sila ng 30 minutes?
3. Nung alam ko naman na na magpapark sila dahil nag-signal sila e agad naman na akong umabante.
4. Hindi ko gusto harangan ang parking space, sinong gumagawa nun? Nagkamali lang ako!

Nakakalungkot kasi hindi nila alam ang buong istorya, may ending na sila.

Nagkamali lang, siga na?!

Alam ba nila ang pinagdaanan ko para lang mahusgahan ng ganun kabilis?

Alam ba nila na puro undertime ako at walang natira sa sweldo dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari? Alam ba niya na nalulungkot ako dahil hindi ko magawang sumama sa mga ka-opisina kong manood ng sine dahil hindi pwede? Saka alam ba nila na gusto kong makita mga HS friends ko, kaso hindi ko alam kung saan kukunin ang oras para doon? Gusto ko din kayang mapag-isa! Dapat kasi nasa GMA ako ngayon e, nanonood ng TV, naggigitara, o nag sw-swimming, kaso hindi ako pinayagan dahil merong mas mahahalagang bagay ang dapat unahin bago ang sarili. Alam ba nila yun? Alam din ba nila na nahihiya ako sa nangyari kanina na na-out of way yung kaibigan ko at pamilya niya dahil inuna pa nila ako ihatid sa ospital? Alam din ba niya na nakaramdam ako ng matinding gutom kanina? Nag-c-crave ako sa inihaw na pusit. Yun ang gusto kong dinner, kaso naisip ko na walang kanin sa bahay kaya Mang Inasal na lang. Pagdating sa Mang Inasal, walang chicken! Alam ba nila yun? Fine, this is it pusit! Alam niyo pagdating ko sa tindahan ng inihaw na pusit, ubos na. Yung huling nakasalang sa ihawan, nag-iisa, nabili na. Yung last na pusit nabili na. Alam ba niya na muntik na akong umiyak kanina? Kumain ako tuloy sa hindi kilalang steak house na walang drinks na available at oo, kumain lang ako para mapawi ang gutom. Alam ba nila 'yun? HINDI. Dahil ang alam lang nila siga ako. 'Yun lang.

Kaya ayun nasabi ko na lang kay Tita yung nasabi ko sa intro ng blog na ito.

Sa sama ng loob ko, wala na akong maisip pa na ibang way tapusin itong sinusulat ko...

"Never judge others. You both know good and well how unexpected events can change who a person is. Always keep that in mind. You never know what someone else is experiencing within their own life."
-Colleen Hoover, Slammed

Thursday, May 14, 2015

Sa Island

Sa island. Sa Baguio (don't get me wrong, sa Malinta Exit lang ito. Helloz. May island ba sa Baguio). Anyway, habang nandoon ako, nakaupo. Nagaantay ng jeep pa-St. Michael. Katabi ng lalaking naninigarilyo pati ng mga ale na nagaayos ng mga kariton nila para lagyan ng prutas paninda, e sobrang dami kong na-realized.

Una na doon e, yung boss pala namin nasa office na bukas. I-present ko na pala yung pinapagawa niya sa akin. Yari na naman ako nito. Hayaan mo na, bahala na bukas.

Pangalawa, nako ang dami ko ng utang. Hindi dapat ganun, makakalimutin ako. Baka mawalan ako ng kaibigan nito. Sige dito ko na lang papaalalahanin ang sarili (note to self: may utang kang 45 kay Mycks and 165 kay Teck).

Pangatlo, lahat na ng bagay na mabibigat. (Kasing bigat ng thermal bag na binuhat ko kanina)

Oo, may pinagdadaanan ako. Parang itsura ng mga sasakyang dumadaan sa harap ko. Madami at mabibilis. Nakakalungkot. Kaya motto ko sa buhay e, ang buhay ay isang malaking joke. Yung joke na hindi na nakakatuwa. Mapagbiro, totoo. Kaiyak naman.

Bakit kaya ganun? Inisip ko din pala, paano kung maibabalik ko ang oras? Alam mo unang sagot na naisip ko sa tanong na iyan?

Sana hindi ko nasabi yung mga salitang nakasakit ng kapwa. Sana nasabi ko yung mga salitang dapat nasabi na hindi ko nagawa dahil sa takot.

Ayoko na ulitin yung mga nasabi kong nakasakit sa kapwa pero gusto ko malaman niyo na naalala ko itong mga ito at gusto ko humingi ng tawad.

Sa mga salita naman na sana nasabi ko, ang dami. At natatandaan ko din lahat.

Paano kung sinabi ko kay _____ na mali ang ginawa niya sa akin nung bata pa kami? Or nagsumbong ako? Paano siya, ako? Mababago ba ang buhay namin?

Kung sinabi ko naman kay ____ na si _____ ay ganito. Yare kaya siya?

Kung sinabi ko kaya kay ______ na hindi ko sinasadya yung nangyari, may peace of mind na kaya ako?

Paano kung sinabi ko kay _____ na ganito ang gusto ko gawin sa buhay, ok kaya?

Paano kung sinabi ko kay ____ na hindi ako natuwa sa sinabi niya sa akin about discriminating something, friends pa kaya kami?

Kung sinabi ko kila ___ at _____ na alam ko ang sinabi nila sa akin, magbago kaya ang pananaw nila?

Paano kung sinabi ko kay _____ na ganito dapat niyang gawin at lagi kami nakasupport sa kanya, matutulungan ko kaya siya?

Kung sinabi ko kay ______ na kailangan ko nito, pagbigyan kaya ako?

Kung nasabi ko kay ______ na wag gawin ang ganung bagay, well, hindi ko ito masasabi.

Paano kung nasabi ko kay _______ na gusto ko siya, noon pa. Shet! Ibig sabihin ba hindi ako mamamatay mag-isa?

OMG ang dami kong naiisip, ibig sabihin ganito ako katagal mag-antay ng jeep!!! Nakakaloka. 20 minutes na ah.

Tigil na muna natin ito, baka hindi ko masabi ang dapat kong sabihin sa driver...

"Para po!"

(Baka hindi pa ako makababa nito)

Friday, February 27, 2015

Noong Isang Kahapon

Kahapon, pumunta ako sa Fatima dahil gusto ko kumain ng KFC. So tinawagan ko si Rej para samahan ako na pinag-antay ako ng 2 oras at naranasan batuhin ng tirang chicken ng homeless pero ang mahalaga, pinatawad ko na siya. Masaya ang araw na dumating din si Ar at sumamang mag milk tea at mag bowling (yung sport, hindi tinapay). Buti nga nakapunta siya kahit may piano lesson siya nung hapong iyun. (Hindi ko alam kung bakit nabanggit ko pa yung piano lesson, basta alam ko lang kailangan).

Kasabay ko si Rej pauwing Sto. Nino. Aba, na-realize ko na ngayon na lang ulit ako may nakasabay sa biyahe. Sa office kasi, ako lang taga-liblib na lugar. Walang kasabay, mag-two-two years na. Parang hirap din isipin nun kasi, 2nd year high school pa lang kasabay ko na si Rej, hanggang nung nag-aaral pa kami sa UST. So, plus 4 years. Plus lahat pa ng gala na magkasama kami. Ang tagal.

Habang pauwi, sa terminal ng jeep pa punta sa amin. Andun si kuya "barker" (ang tawag sa mga tao na nagtatawag ng pasahero na sumakay sa jeep).

"Rej, high school pa lang tayo, ganyan na siya.", sabi ko sabay turo ng nguso kay kuya barker (pasensya na kung bakit sa tinagal e di ko alam ang pangalan niya, well di naman to commercial ng Coke).

Wala naman ako response na nakuha kay Rej, stone-hearted.

Dagdag ko na lang, "Minsan talaga ang tao, kuntento na."

Tapos bigla ko naisip, Ako kaya kuntento na?

Naisip ko rin, paano kaya kung hindi ako nag-resign sa dati kong trabaho? Ano kaya ang mga maaaring mangyari? Para maliwanagan, nilista ko ang mga ito.

1. Siguro mayaman na ako.
-marami na siguro akong ipon dahil una sa lahat, malaki ang sweldo ko sa dating kumpanya. Take note: wala pang pressure sa trabaho yun.

2. Nakapunta na siguro ako sa Singapore at Indonesia.
-nagkaroon ng business trip ang dating mga katrabaho sagot lahat ni boss. (inggit much)

3. Siguro malapit ko na makuha ang aking Master's degree.
-mula sa dati naming office, isang kembot lang DLSU na. Dahil wala masyado workload, mas may time ako mag-aral.

4. Siguro ang payat payat ko lalo (siyempre may nega din).
-wag kakalimutan ang MRT challenge!

5. Siguro mas may time ako sa social life.
-pwede ko ayain ang Rizal . . Mag overnight sa GMA (missed the days). Lagi kami sabay sabay umuwi since lahat kami Makati area. Mas madami food trip, movie trip. Siyempre road trip kasama ng mga officemate na alam lahat ng mahal at masasarap ng kainan.

6. Siguro sanay na sila Mama na ginagabi ako.
-narealize na siguro nila sa bahay na sa makati pa ako nagtratrabaho at ang biyahe pauwi ay forever. (Minsan talaga totoo din ang forever)

7. Siguro nakita ko na ang The One.
-(haha) nakakatawa ito! Parang si Ted lang at yung babaeng may-ari ng yellow umbrella.  Sa tindi ba naman ng pinagdadaanan ko makarating lang sa office, or nakakasalamuha sa trabaho.. Sa MRT, sa park ng Magallanes, baka andoon siya? #tadhana

Siguro ganoon nga ako, kaso isa lang ang problema. 

Hindi ako na-kuntento.

Naghanap ako ng ibang trabaho, at napakarami din namang nangyari na hindi ko pinagsisihan. Well, para fair nilista ko rin ang mga ito:

1. Nagagawa ko ang gusto ko.
- di ko lubos ma-isip na yung mga kalokohan ko ng highschool na nagbigay sa akin ng kakaibang saya ay ngayong nagagamit ko sa trabaho. Yung tinutukoy ko e yung video productions and photography. Nag umpisa sa urban legend, na ngayon gumagawa ng corporate AVP para sa kumpanya, at ang mahalaga bayad ako e. Pera pera lang yan. 

2. Nabiyayaan din ako na mag-training at mag workshop para doon sa number 1.
- ibang saya at experience yun, ma-enroll ba naman ako sa PCCI kung saan andoon ang mga Legends ng photography. Nakakataas ng value sa sarili.

3. Dahil sa mga napagdaanan ko sa trabaho, tumaas ang confidence level ko. (Wow confident)
- oo, kumanta lang naman ako sa harap ng 5000 katao. Sa mga nagtatanong kug bakit ko ginawa yun, wala lang. For experience. Promise. At dahil na-experience ko na, last na po yun. Maraming salamat na rin sa HRD sa tiwala.

4. Nakita ko sa totoong buhay si Mitch Albom at Jessie J.
- best day of my life. Kahit di kami umabot ni Rej sa pila, okay lang. Maraming salamat Ma'am Jo, nakanood ako ng Jessie J concert for free.

5. Nakapunta ako ng Hongkong.
- and t'was the first grown up thing na ginawa ko sa buong buhay ko. Kasama na din doon yung nakasakay ng airplane at nakasama ang mga kaibigan sa isang trip.

6. Nakapunta din pala akong Macau.

7. Sa wakas, na-experience ko mag-FUN RUN.
-suki ng Robinsons Fun Run at Odyssey Foundation.

8. Nakapag-drive na rin sa NLEX.
- at badass ako sa daan. Literal.

9. Nahanap ko na talaga ang mga tunay kaibigan. (never naman ako nag-duda diyan)
- naranasan ko yung minsan lang ako nagsabi sa kanila, "minsan may joke ang buhay na hindi nakakatuwa" e andyan agad sila to the rescue. Thank you friends! I love you guys.

10. Nakaka-meet ako ng VIPs.
- nakita ko sa isang business review ang CEO ng URC. Saka Nakapag-selfie lang naman ako sa Presidente ng kumpanya namin.

11. Natuto na mag manage ng kaperahan. 
- Oo, tama na ang mga libre-libre. KKB ang sagot sa problema ng bansa.

12. (Alam kong hindi dapat sa akin manggaling 'to) Na sa tingin ko e mas nagiging mabuting tao, katrabaho, kaibigan, at kapamilya ako.
- Maniwala kayo sa hindi, ito ang pinapraktis ko ngayon, kahit kanino. Good things happen to good people.  Kaya kanta na lang tayo.. "Love is a funny thing. Whenever I give it, it comes back to me."

Ngayon, tinatanong ko ang sarili ko. 

"Tama ba ang desisyon ko? Kung tama, kuntento na ba ako? Kung mali naman at totoo ang time machine, babalik ba ako?

. . Saka bakit ba ako tanong nang tanong? Wala naman akong kausap."

Ngayon lang, habang nanunuod ng Forevermore. Na-realize ko ang sagot sa mga tanong ko e . . Siguro (di pa ako sure) . . Ang sagot e . . maging masaya lang.

Sapat na bang sagot ang maging masaya? (Tanong na naman)

Nako maging masaya ka na lang kahit walang dahilan. Kasi hawa-hawa na yan!

So dagdagan ko ng isa yung nasa listahan...

14. Masaya ako.


-tapos na-