Saturday, September 19, 2015

Wag kang Umibig sa Isang Manunulat

Wag kang umibig sa isang manunulat
Dahil hindi siya nakakalimot. Lahat naalala niya.
Lahat ng detalye, lahat ng maliit at malaking detalye.
Mula sa unang beses na kayong nagkakilala,
Unang salitang nabanggit sa isa't-isa,
Unang joke na napatawa ka niya,
Unang beses na nagsabay kayong kumain,
At unang beses na alam niya na gusto ka niya ngunit ayaw niyang umamin.

Wag kang umibig sa isang manunulat
Kasi hindi siya naghahanap ng pagmamahal.
Wala siyang ibang gusto kundi mangolekta ng mga istorya ng buhay na masasaya at may halaga ikwento.
Para sa kanya, ang mga istoryang kasama ang kapamilya at kaibigan ay sapat na at kahit anong anyo ng kwentong tungkol sa pag-ibig ay bonus na.

Pero kung meron man kwentong pag-ibig ang gusto niya isulat,
Sisiguraduhin niyang hindi ito hango sa kanyang buhay.
Bakit? Dahil alam niya, nakita, napatunayan, na ang pinakamagandang gawin sa buhay, yun ay ang magmahal, ay hindi perpekto.

Kaya wag kang umibig sa isang manunulat dahil takot siyang masaktan.

Minsan siyang bumuo ng kwento. Isang kwento ng pag-ibig.
Kung saan ang mga karakter ay produkto lamang ng kanyang imahinasyon.
Sa magka-ibang oras, sa magka-ibang mundo.
Mga tao na hindi nabuhay.
Mga tao na kaya niyang kontrolin.
Oo, pwede rin pala maging perpekto ang pag-ibig, iyun ang layunin.

Wag kang umibig sa isang manunulat
Dahil takot siyang magmahal.

Sana alam mo na kuntento na siya sa lahat ng alaala na nagbibigay sa kanya ng ngiti at saya.
Hanggang ganun lang, hanggang doon lang.
Sapagkat siya, siyang manunulat ay hindi aasa.
Dahil nang minsan siyang umasa, ang mga salitang kanyang unang nasulat ay
"Ganito pala ang feeling ng hindi happy ending."

Wag mong isipin na hindi niya kayang magmahal dahil siya lang sa lahat ang kayang magbago ng pananaw natin sa pag-ibig.
Siya ang dahilan kaya meron tayong istoryang minamahal sa mga libro at pelikula.
Yun ay gamit ang kanyang imahinasyon na kanyang isinulat at inilikha.
Para sa kanya, ang makita ang kakayahan niyang umibig sa iba ay sapat na.

Siguro'y dahil sa kaduwagan at takot, ang pag-ibig ay isang bagay na hindi maaaring bigyan ng pagkakataon.
Siguro'y ayaw niyang maranasan, na ang pinakamagandang gawin sa buhay, yun ay ang magmahal, ay mabigo paglipas ng mga taon.

Kaya wag kang umibig sa isang manunulat.
Wag kang umibig sa akin.

No comments:

Post a Comment