Thursday, June 11, 2015

Judger!

"Tita, 'yan ang perfect example ng don't judge a book by its cover."

Hindi ko maintindihan bakit nasa nature ng tao ang madaling manghusga? Hinuhusgahan ang pisikal na anyo, motibo, intensyon, ugali, lahat! Hindi naman ako nagagalit ano, pero natanong ko nga lang talaga, bakit tayo mapanghusga?

Kanina sa Mercury Drug dito sa may amin, nagpark ako. Ilang taon naman na ako nagmamaneho, pero hindi ko alam, hirap talaga akong umatras. Kahapon nga, galing kaming Jolibee. Sobrang proud ko sa sarili ko dahil nagawa kong magpark ng paatras at napapagitnaan pa ng dalawang kotse. Sa sobrang saya ko, excited ako sabihin kay Tita. Kaso, nung time na sinabi ko sa kanya e yung dalawang kotse sa kaliwa't kanan, e nakauwi na. Hindi naniwala si Tita na nagawa kong magpark sa gitna ng dalawang kotse na paatras. Hindi na ko nakipagtalo, dahil alam ko ang totoo. DUH ako ang nag-drive, people!

Balik tayo sa Mercury Drug. Malayo pa lang ang saya ko na dahil walang nakapark na sasakyan, I was like, Yun! Makakapag-practice ako magpark ng pabaliktad!

Bago ko pa ibaba si Tita (may bibilhin siyang gamot) e nagpaalam na ako na i-try ko ulit mag-park ng pabaliktad. Hindi niya ko pinansin, siguro dahil naisip niya na nagaaksaya lang ako ng gas.

Ayan na, this is it. Reverse. Wala pa kong 5 seconds, anak ng! Merong customer! Magpapark din. Anak ng! Na-occupy ko lahat ng parking space. Geez, paano ako aatras? Hala. Yare. 'Di ako makadecide ng gagawin. Umabante na lang ako. Nagtataka ako bakit ayaw pa nila magpark e naka-signal na sila at wala naman dumadaan sa kalsada. Umabante naman na ako at kasyang kasya na sila. Saka parang ke-laki-laki naman ng sasakyan namin?! Ilang moments pa, magpapark din pala sila.

Pagbalik ni Tita, nagmamadali siya. Sabi niya, nagagalit daw yung mga lalaki sa akin (yung nagpark na customer) at nadidinig niyang nag-uusap. Ang sabi pa niya, ang siga daw ng parking ko. Sa hiya ni tita, ayaw niya daw muna sumakay sa akin nung una dahil hindi alam ng mga lalaki na kasama ko siya. Hahaha!

Teka, balik tayo. Ang siga daw ng parking ko.

1. Paano naging siga ang taong hindi marunong magpark?
2. Kung magalit naman sila, as if namang pinag-antay ko sila ng 30 minutes?
3. Nung alam ko naman na na magpapark sila dahil nag-signal sila e agad naman na akong umabante.
4. Hindi ko gusto harangan ang parking space, sinong gumagawa nun? Nagkamali lang ako!

Nakakalungkot kasi hindi nila alam ang buong istorya, may ending na sila.

Nagkamali lang, siga na?!

Alam ba nila ang pinagdaanan ko para lang mahusgahan ng ganun kabilis?

Alam ba nila na puro undertime ako at walang natira sa sweldo dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari? Alam ba niya na nalulungkot ako dahil hindi ko magawang sumama sa mga ka-opisina kong manood ng sine dahil hindi pwede? Saka alam ba nila na gusto kong makita mga HS friends ko, kaso hindi ko alam kung saan kukunin ang oras para doon? Gusto ko din kayang mapag-isa! Dapat kasi nasa GMA ako ngayon e, nanonood ng TV, naggigitara, o nag sw-swimming, kaso hindi ako pinayagan dahil merong mas mahahalagang bagay ang dapat unahin bago ang sarili. Alam ba nila yun? Alam din ba nila na nahihiya ako sa nangyari kanina na na-out of way yung kaibigan ko at pamilya niya dahil inuna pa nila ako ihatid sa ospital? Alam din ba niya na nakaramdam ako ng matinding gutom kanina? Nag-c-crave ako sa inihaw na pusit. Yun ang gusto kong dinner, kaso naisip ko na walang kanin sa bahay kaya Mang Inasal na lang. Pagdating sa Mang Inasal, walang chicken! Alam ba nila yun? Fine, this is it pusit! Alam niyo pagdating ko sa tindahan ng inihaw na pusit, ubos na. Yung huling nakasalang sa ihawan, nag-iisa, nabili na. Yung last na pusit nabili na. Alam ba niya na muntik na akong umiyak kanina? Kumain ako tuloy sa hindi kilalang steak house na walang drinks na available at oo, kumain lang ako para mapawi ang gutom. Alam ba nila 'yun? HINDI. Dahil ang alam lang nila siga ako. 'Yun lang.

Kaya ayun nasabi ko na lang kay Tita yung nasabi ko sa intro ng blog na ito.

Sa sama ng loob ko, wala na akong maisip pa na ibang way tapusin itong sinusulat ko...

"Never judge others. You both know good and well how unexpected events can change who a person is. Always keep that in mind. You never know what someone else is experiencing within their own life."
-Colleen Hoover, Slammed

No comments:

Post a Comment