Sunday, October 27, 2013

Mga Pangyayari sa Kabilang Buhay

Isang araw sa buhay ng ating bidang si Dace. Pero una sa lahat, hindi ko alam kung maituturing itong buhay dahil sa hindi maipaliwanag na mga bagay.

Nagtataka ang ating bida dahil sa oras na minulat niya ang kanyang mga mata ay parang maliwanag, puro puti, foggy, at medyo malamig.

Nasaan ako?, tanong ni Dace sa sarili.

Nagpatuloy siya sa paglakad hanggang sa nakita niya mula sa malayo ang kumpol ng mga tao. Maraming tao. Hindi niya maintindihan kung bakit parang iba't ibang lahi ang mga ito. May Americans, Indians, Japanese, kapwa Pilipino, basta madami. Ang wirdong parte roon ay bakit lahat sila e nagsasalita ng Tagalog?

Ang gagaling namang mag-Tagalog ng mga ito, muling sambit ni Dace sa sarili.

Patuloy ito sa paglakad hanggang matunton niya ang dulo. Sa dulo ay andoon ang malaking gate. Masyadong malaki na hindi mo makita kung ano ang nasa loob. Mahaba ang pila ng mga tao. Mas mahaba pa sa pila pag kumukuha ng NBI Clearance. Takang taka na talaga ang ating bida at hindi na alam ang gagawin. Nahihiya naman itong magtanong kasi baka mamaya e English-in siya ng kausap niya at hindi siya makapagsalita.

Maya-maya pa, merong kumalabit sa kanya. Isang babae. Blonde. Matangkad. Maganda. Pang-Hollywood ba? Saka parang nasa 30 plus something ang age niya.

"Okay ka lang?", tanong niya kay Dace.

"Hindi nga e."

"Bakit?", tanong ulit ng babae.

"E naguguluhan ako e."

"Bakit?"

"Una. Bakit nakakapagsalita ka ng Tagalog?", curious na tanong ni Dace.

"Ganun talaga e."

Tumango si Dace sabay tanong ng, "Nasaan tayo?"

"Ha? Hindi ka ba na-orient?", gulat ng babae.

"Orient? Saan?"

"Saan ka ba dumaan?"

"Doon.", tinuro yung kawalan sa kanan.

Napa-isip ang babae, "Bakit ganun? Hmmm. Ano bang kinamatay mo?"

Natawa si Dace. Akala niya mali siya ng dinig. "Ano sabi mo? Kinamatay ko?"

"Oo."

Natawa ulit si Dace, this time, mas malakas.

Seryoso ang babae at hindi nagsasalita.

"Seryoso ka?"

Tumango ang babae.

"Patay na ako?"

Tumango ulit ang babae.

"Weh?"

Tumango siya ulit.

"No way."

Alam mo na kung sinong tumango.

"Noooooooooooooooooooooooooooooooooooooo!!!!"

Napasigaw ang ating bida at nagkaroon ng 3 segundong katahimikan sa lugar dahil lahat ay napatingin sa kanya.

"Kumalma ang lahat, hindi po na-orient 'tong bata!", sigaw ng babae sa lahat.

"Halika dito", hinila siya ng babae sa gilid, "Maupo ka. Kalma ka lang."

Medyo gulat ang ating bida pero ang pinagtataka niya e parang walang lungkot na emosyon ang nararamdaman niya. Gusto niyang maiyak pero walang luha ang gustong tumulo. Gusto niyang mag-alala kung anong nangyari sa buhay na iniwan niya, pero hindi niya magawa.

"Ang weird. Hindi ako naiiyak.", sabi ni Dace.

"Bawal na ata luha dito.", sagot ng babae.

"Bakit? Heaven na ba ito?"

"Di pa. Purgatoryo ito. May screening pa, kung sino mapupunta sa langit o impyerno."

Ha? Ano daw purgatoryo? Di naman ata totoo yun, sambit ni Dace sa sarili.

"Ah kaya pala may pila.", napa-isip ang ating bida, "Sandali. Ano bang kinamatay ko?"

"Tara tanong natin sa Information."

Sinamahan ng babae si Dace sa Information Station.

"Psst. Penge nga ng Biography nito . .", sabi ng babae sa lalaki sa Information sabay tingin kay Dace, "Pangalan mo?"

"Dace."

Pagkasabi ng pangalan e agad lumabas sa printer ang sandamukal na papel.

Kinuha ng babae ang papel, yung huling pahina, gustong kunin ito ni Dace pero pinigilan ito ng babae.

"Hmm. Ang sabi dito . . namatay ka sa may Malinta Exit. Nasagasaan."

"I knew it!", sigaw ng ating bida, "Sabi ko na nga ba yun ang ikamamatay ko e. Hirap talaga akong tumawid ever since."

"Shh. There's more."

"Okay.", focused si Dace sa pakikinig.

"May sinagip kang bata kaya ka nasagasaan."

"Impressive!", abot tenga ang ngiti ni Dace.

"Wait. There's more.", awat ng babae.

"Okay."

"Nung nasagasaan ka. . nahulog yung katawan mo sa tulay."

"Ouch!", sigaw ni Dace.

"Psst. Ito pa", awat ulit ng babae, "Pagkatapos mo mahulog sa tulay, nasagasaan ka ulit ng truck. Tapos tumalsik yung katawan papasok ng Service road, at nahagip ka ulit ng dalawa pang sasakyan."

"Aray.", sabi ni Dace.

"Ito pa. May askal sa kalsada, gutom na gutom. Naglalaway daw. Kinain yung ibang parts ng katawan mo."

"Eww. Grabe pala."

"Last."

"Di pa tapos???"

"Nung kinagabihan, yung asong kumain sayo. . Napagtripan ng mga lasing. Kinatay, ginawang pulutan."

"Grabe naman. Pinulbos ako ah."

"Well, at least. Sinagip mo yung bata. Baka nga papasukin ka na agad sa langit. Wala ng screening . . at may palakpakan pa", pampalubag loob ng babae.

"Kung sabagay."

Grabe naman yung kinamatay ko. Ang gusto kong klase ng kamatayan e yung tipong "Mamatay ka sa sarap." Example, kumakain ka ng bulalo tapos sa sobrang sipsip mo nung utak, bigla mong nalunok yung buto. Buti pa yun, namatay sa sarap.

"Ikaw. Anong kinamatay mo?", tanong ni Dace sa kasama.

"Lame death. Dahil sa sakit."

"Kailan pa?"

"Matagal na. Ilang taon ng nakakalipas."

"Ha? Bakit di ka pa pumila?", gulat ng ating bida.

"E di ko pa kasi sure kung saan ako e. Di ako katulad mo na may nagawang mabuti bago mamatay. Wala akong nagawang mabuti sa lupa. Makasalanan. Ang laki pang pabigat dahil sa sakit ko na hindi lang ako ang nahirap kundi lahat ng mahal ko sa buhay."

Hirap mag-comfort ang ating bida, kahit nung nabubuhay pa ito. Wala siyang magawa para suportahan ang kasama kaya ang nasabi niya na lang . .

"Sige na nga. Di na muna ako pipila. Samahan muna kita."

"Talaga? Salamat ah."

Naglakad-lakad ang dalawa, papalayo sa gate, papuntang kawalan.

"Kamusta ka nung nabubuhay ka?", tanong ng babae kay Dace.

"Ayun, empleyado. Naiinis nga ako. Ilang sandali na lang malapit na kong ma-regular. Tapos ganito? Made-deds pala ako. Sayang."

"Ay, parang di ka pa ready ganun?"

"Parang ganun. E wala e. There's no turning back."

"Sinabi mo pa. Buti pa si Patrick Swayze sa Ghost, may moment pa sa lupa bago umakyat dito.", sabi ng babae.

"Oo nga sana tayo din."

"Bakit may gusto ka bang balikan?"

"Hmmm. Wala naman. Pero mga bagay na gusto pang ma-experience, meron."

"Kung sabagay. Ang bata mo pa kasi. Ako? Ang dami ko ng naranasan. Lahat ng saya at sakit. Kaya para sa akin, ready na naman na talaga ako."

"Buti ka pa."

"Anu-ano pa ba gusto mo mangyari sa buhay mo?"

"Madami."

"Tulad ng?"

"Madami e."

Natawa yung babae, "Anong madami? Dapat specific!"

"Sige. Una, gusto kong mas lalong gumaling sa mga bagay na alam ko na. Tapos dahil dun, magiging successful ako. Tapos kaya ko ng kumita ng malaki-laki na makakapagbigay ako sa parents ko. Tapos pag super galing ko na, may kakayahan na akong i-share sa iba yung kaya ko para sila naman yung gumaling. Pasa-pasa ba. Gusto ko mayroon akong pakinabang, hindi lang sa sarili. Pati sa iba. Yung may iiwan ako sa iba na pangaral."

Nag-slow clap ang babae, "Politiko ka ba nung nabubuhay?"

Natawa si Dace, "Seryoso kasi tayo di ba?"

"Okay, sensya. Nakakatuwa ka nga e, kasi alam mo yung gusto mo. Hanga ako sa mga taong alam nila kung ano ang gusto nila. Tulad niyan, ang ikli ng buhay. Perfect example yang case mo."

"Thanks for pointing that.", sarcastic na boses ni Dace.

Natawa ang babae, "Hindi kasi nga di ba? Tama naman."

"Yep. Tama naman."

"Alam mo ako? Hindi ko alam ang gusto ko. Sumasabay lang ako sa agos ng buhay. Nabuhay para ilaan ang kalahati ng buhay sa pag-aaral para makahanap ng matinong trabaho, sayangin ang oras sa internet, facebook, twitter, paggawa ng blog--"

"Same here", putol ng ating bida.

"Right? Right? Gumala at malulong sa bisyo kasama ng barkada, umibig sa maling lalaki. . ."

"Umibig?", tanong ni Dace sa mahinanang boses, "Anong feeling?"

"Hindi ka pa na-inlove?", gulat ng babae.

"Oo."

"Well, yun ang na-miss mo nung nabubuhay ka pa."

"Sa tingin ko rin e."

Nagpaliwanag ang babae.

"Hmm. Ano bang feeling nun? Best and worst. Worst pag niloko ka. Ang sakit nun Dace. Dati naniniwala ako na pag sa pag-ibig dapat walang masakit, walang malungkot, walang iiyak kasi yun yung pinakamasarap na feeling sa lahat. Pero hindi rin pala. Part din yun. Tapos ganon mag-aantay ka lang, darating din yung para sa'yo. Yung soulmate mo. Totoo yun e. Yung kayo talaga para sa isa't isa. Hanggang sa huli."

"Wow.", gusto ma-teary eyed ng ating bida dahil sa mga narinig niya. Hindi niya lang magawa dahil bawal na nga ang luha sa lugar na iyun.

"Ikaw? Bakit hindi ka umibig nung nabubuhay ka pa?"

"Hindi ko alam e."

"Sus! Pero may gusto ka? Crush ganon?"

"Oo naman."

"Ayun naman pala e!"

Kinikilig si Dace.

"Alam ba niya na gusto mo siya?"

"Hindi."

"Yun lang. .", sabi ng babae na para bang nang-aasar.

Nalungkot si Dace. Pero ang depensa niya . . .

"E paano? Hindi mo pwedeng sabihin sa lalaki na gusto mo siya kasi babae ka.".

"Well, wala naman na. Wala na tayo magagawa diyan. Deds ka na e."

"Yun nga e. Kung papabalikin ako sa lupa, gusto ko maranasang magmahal. Gusto ko kasi yung may nag-aalala sa akin, maliban sa mama ko ah.", paglilinaw ni Dace, "Tapos yung meron akong kasama kumain, manood ng sine, manood ng UAAP, mag-jogging na hindi ko na kailangang piliting sumama, tapos merong masasandalan sa jeep pag inaantok, mag-aalalay sa MRT, at siyempre merong makwekwentuhan ng mga bagay na masasaya at kasama sa mga problema. Yun lang. Little things."

"Those little things. . That's love."

"Yeah. Too bad. Too late for love.", malungkot na sabi ng ating bida.

Hindi nagsasalita ang babae. Kaya tinanong siya ni Dace . .

"Ikaw? Nakita mo na ba yung soulmate mo?"

"Oo. Naiwan siya sa totoong buhay. Pero alam mo ba kung anong ginagawa ko ngayon?", tanong ng babae kay Dace

"Ano?"

"Inaantay ko siya."

"Bakit?"

"Because there is no such thing as too late in love."


---END---



(P.S. Ayaw sirain ng narrator yung moment kaya hindi na ito nakapagbigay pa ng conclusion siguro'y dahil naniniwala rin ito na ang kabilang buhay ay isang malaking JOKE)